Thursday 17 October 2013



LUHA
ni : RUFINO ALEJANDRO
I
Walang unang pagsisi,ito'y laging huli
Dalong aking luha...daloy aking luha, sa gabing malalim
Sa iyong pag-agos,ianod mo lamang ang aking damdamin,
hugasan ang puso-yaring abang pusong luray sa hilahil
Nang gumaan-gaan ang pinapasan ko na libong tusin!
II
Nang ako'y musmos pa at bagong pamukad yaring kaisipan
May biling gayari si Ama't si Ina bago sumahukay
"Bunso,kaiingat sa iyong paglalakad as landas ng buhay,
ang ikaw,y mabuyo sa gawang masamay dapat iwasan."
III
Ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y hinamak;
Sa inalong dagat ng buhay sa mundo'y mag-isang lumayag,
Iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap
Nang ako'y lumaki,ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak,aon na aking tinanggap
IV
Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan
Na ito'y huli na'y nakilalang alak na nanatay.
Ang piangbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't
Isang "Bahala na!" ang tanging iniukol sa kinabukasan!
V
Kaya naman ngayon,sa katandaan ko ay walang nalabi
Kundi ang lasapin ang dila ng isang huling pagsisisi;
tumangis s alabi ng sariling hukay ng pagkaduhagit
Iluha ang aking palad na napakaapi!
VI
Daloy, aking luha...Dumaloy ka ngayon at iyaong hugasa
Ang pusong nabagbag sa dagat ng buhay;
Ianod ang dusang dulot ng tinamang nga kabiguan,
Nang yaring hirap ko't suson-susong sakit ay gumaan-gaan






Buod ng Banaag at Sikat
ni: Lope K. Santos


Si Delfin ay isang sosyalista, samantalang si Felipe ay isang anarkista. Bilang sosyalista, naniniwala at hinahangad ni Delfin na mapalaganap ang kaisipangsosyalismo sa lipunan, kung saan ang mga mamamayan ang may higit na karapatan sa lahat ng mga gawaing pangangalakal, mga pag-aari, at mga pagawaing pambansa. Bagaman isang mahirap na nag-aaral ng abogasya at nagtatrabaho bilang manunulat sa isang pahayagan, matindi ang paniniwala ni Delfin na matatamo lamang ang isang lipunang makamaralita sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan, isang pakikibakang hindi nababahiran ng pagdanak ng dugo.

Si Felipe naman - na may adhikaing anarkismo - ay naniniwala sa marahas na pagbuwag sa mga namamayaning kapangyarian at kalupitan ng mga mayayamang may-lupa. Ibig niyang pawiin ang mga abusadong maykapangyarihan na naghahari sa lipunan. Bagaman anak ng isang mayamang pinuno ng isang bayan, kinamumuhinan ni Felipe ang mga gawi at karahasan ng kaniyang ama. Mas mamarapatin niyang magkaroon ng pagkakapantay ang lahat ng uri ng mga mamamayan: walang pagkakaiba ang mga mahihirap at ang mga mayayaman.






SI PULA AT SI PUTI

Nnn

Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali, ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing, ano ba ang pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo namang ipaalam kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y matalo at nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.Sioning. A siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan, ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay mahalaga ang ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok si Kulas na tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya kamang. Ang aking manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang Makita ang anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay upang bumili ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo bang kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo nang pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang buksingero. Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin. Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas ang balahibo. Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking manok ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay hindi ko sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na hindi gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa bahay…Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka niya rito. Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo. Sumunod ka agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan ang nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako. Noong ang aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay nang may limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien, tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit sa sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso. Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas, samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan mo dinala ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at pumusta ako sa manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At anyayahon mo sina Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang tatlo ay sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi na siya magsasabong.)




1. Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

2. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi— at ang Quiapo.

3. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.

4. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.

5. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.
6. “Mama…Ale, palimos na po.”

7. Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.

8. “Singko po lamang, Ale…hindi pa po ako nanananghali!”

9. Kung may pumapansin man sa panawagan ng Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

10. At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinapahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa lahat. Walang bawas.

11. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.

12. At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kanyang bituka.

13. “Maawa na po kayo, Mama…Ale…gutom na gutom na ako!”

14. Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ang karukhaan.

15. Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.

16. “Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring makarinig

17. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang tao—malamig walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

18. Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

19. “Adong…ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

20. Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.

21. “Diyan na kayo, Aling Ebeng…sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.

22. “Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makita ka ni Bruno!”

23. Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dabitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, na kabangisang sa mula’t mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.

24. “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

25. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglaya. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba, at sa kabangisan.

26. “Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!” naisigaw na lamang ni Adong.

27. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

Noong nakaraang taon, inyong natunghayan sa pitak na ito ang isang lathalain kaugnay sa pagbabalik-loob sa pamahalaan nina Ka Nonoy at Ka Jane. Sa kwento ng kanilang totoong buhay na inyong nasaksihan sa Pag-ibig sa Likod ng Idolohiya, inyong nabatid ang mga pwersang nagtulak sa dalawa upang iwanan ang kapatagan at ipasyang namuhay sa kabundukan bilang mga kasapi ng rebeldeng grupong NPA. Inyong nasundan ang matitinik na daang nilandas ng dalawa sa pakikipaglaban sa inaakala nilang makatarungang paghihimagsik sa pamahalaan. Kalakip nito, sabay-sabay tayong nalugod sa pag-usbong ng pag-ibig kina Ka Nonoy at Ka Jane. Sa gitna ng maraming pangamba at agam-agam, hinamon ng kanilang pag-ibig ang kapalaran. Anupa't batbat man ng kawing-kawing na suliranin ay umigpaw ang pag-ibig sa isang matimyas at wagas na pagmamahalan.
Dakilang pag-ibig na dinalisay ng pagsubok at mandi'y sadyang iginuhit ng langit. Maputla at may sakit sa bato nang manao ng bundok si Ka Nonoy. Bilang opisyal ng NPA, mahalaga ang kanyang papel na ginampanan. Ngunit sa kanyang pagkakasakit ay inakala ng rebeldeng pamunuan na wala na siyang silbi kaya hindi siya pinanghinayangan.
Subalit kapirasong dahilan lamang iyon. Ang pinaka-makapangyarihang pwersang nag-udyok kina Ka Nonoy at Ka Jane ay ang hilagyo ng pagkakaroon ng isang payapa, masaya at buong pamilya. Sa anumang dahilan hindi nila pahihintulutang maisilang sa kabundukan ang buhay na nasa sinapupunan ni Ka Jane. Samakatuwid, ang batang dinadala ni Ka Jane ang nagsilbing sinag sa madilim na mga sandali ng kanilang buhay.
Sinag ng pag-asa. Sinag ng totoong kalayaan.
Kamakailan sa aking pagdalaw sa Philippine Army Camp sa Lictin, ginulat ako ng isang sanggol na masayang pinagpapasa-pasahan ng matitipunong bisig ng mga sundalo.
"Siya na po ang aming anak."
Lalong nabagbag ang aking kalooban nang makita kong muli sina Ka Nonoy at Ka Jane pagkaraan ng maraming buwan. Mabuti ko silang pinagmasdan, sinilip nang mabuti ang kanilang anyo at ikinalugod ko ang aking nakikita: tuluyan nang naglaho ang bahid ng takot at pangamba sa kanilang mukha. Wala na ang malikot at maiilap na mga mata, ang kuyom na mga palad at tiim ng mga bagang. Manapa'y kakaibang kislap ang naghahari sa kanilang paningin, ningning katulad ng sa mga mata ng isang matagumpay na nilalang. Aliwalas ang buong mukha samantalang hindi naman mawaglit sa mga labi ang nagkikislapan ding mga ngiti. Maging ang tinig ng mag-asawa'y tila musikang matamis pakinggan. Natanto ko sa aking sarili, ganap nilang nagapi ang karimlan.
Kung hindi ako nagkakamali, Achiever ang dinig ko sa pangalan ng bata...isang maluso at bibong sanggol na lalaki.
Sabi ni Jane, "Ang iwanan ang bundok ang pinakamahalagang desisyong nagawa namin ni Nonoy sa aming mga buhay. Hanggang sa aking libing ay babaunin ko ang ligayang idinulot ng mga sandaling nagpasya kaming sumuko."
Sa kasalukuyan, isang dakilang misyon para sa mag-asawa na himukin ang iniwan nilang mga kasama sa bundok na sundan ang kanilang landas.
Ayon kay Ka Nonoy, "Hindi ako mapapagod. Kahit pa maubos ang aking hininga paulit-ulit akong mananawagan sa kanila na naririto sa ibaba ang totoong buhay."
Sa kasalukuyan, kapwa ini-enjoy nina Ka Nonoy at Ka Jane ang mga benepisyong nakapaloob para sa isang rebel returnee.


Kinagisnang Balon

Sa isang bayan ng Tibag ay may balong matagal nang bahagi ng pamumuhay ng mga mamamayan doon. Hindi alam ng mga tao kung kailan pa ito ginawa. Bagamat marami mang mga ugong-ugong ay wala pa ring makapagsasabi kung sino ang gumawa ni kailan pa ginawa.
 Si Tandang Owenyong Aguwador ay ang asawa ni Nana Pisyang Hilot. Ang kanilang hanapbuhay ay minana pa sa kanilang mga ninuno. Sila ay may dalawang anak, si Narsing at si Enyang. Si Narsing ay nakapag-aral at ayaw maging aguwador. Gusto niyang baliin ang mga paniniwala ng mga taga Tibag na ang hanapbuhay ay mana-mana lang.
 Nakipagsapalaran si Narsing sa Maynila subalit tila mailap ang swerte sa kanya. Bumalik siyang wala manlang pagbabago sa buhay niya. Isang araw, naaksidenta ang kanyang ama at hindi na kayang nitong mag-igib. Dahil na rin sa kagustuhang tumulong ay napilitan siyang mag-igib.
Sa huli, napagtanto niya na hindi nakakahiya ang trabaho ng kanyang ama. Natuwa ang mga mamamayan ng Tibag dahil may bago nang aguwador at dahil doon, sinabuyan ng tubig si Narsing habang nag-iigib dahil sa tuwa.
 Ang marangal na trabaho ay hindi dapat ikahiya lalo na kapag alam natin na wala tayong ginagawang masama at wala tayong tinatapakan na ibang tao. Tanggapin natin ang nakatadhana sa atin ng boung puso at dapat lang itong mahalin at pahalagahan.